OCD, umapela sa mga inilikas na residenteng naninirahan sa 6km danger zone ng Bulkang Kanlaon na sa evacuation center muna mag-Pasko

Patuloy ang panawagan ng Office of Civil Defense (OCD) sa lahat ng mga residenteng inilikas na nakatira sa 6km radius danger zone ng Bulkang Kanlaon na mananatili sa mga evacuation center hanggang Pasko.

Apela ni OCD Administrator Usec. Ariel Nepomuceno, huwag munang bumalik sa kani-kanilang mga tahanan ang mga bakwit para na rin sa kanilang kaligtasan.

Sa kasalukuyan nananatili sa alert level 3 ang Mt. Kanlaon kung saan posibleng magkaroon ng hazardous eruption sa mga susunod na araw o linggo.


Paalala nito, walang ikakasang rescue operations sa sandaling pumutok muli ang bulkan kaya’t umaapela ito sa mga residente na makipagtulungan sa kinauukulan.

Pagtitiyak naman ni Nepomuceno sa mga nagsilikas na residente na prayoridad ng pamahalaan ang kanilang kaligtasan at patuloy silang makakatanggap ng ayuda habang nananatili sa mga evacuation center.

Facebook Comments