Bumaba pa sa negative 1% ang naitatalang daily growth rate ng kaso sa Metro Manila.
Sa Laging Handa pubic press briefing sinabi ni Prof. Guido David, ng OCTA Research Group na mula sa 15% na daily growth rate sa National Capital Region (NCR) noong mga nakalipas na linggo ay tuluyan na nga itong bumagsak sa negative 1%.
Aniya, sa ngayon hindi pa maaaring magdiwang ang mga taga-Metro Manila dahil nasa peak pa tayo ng COVID-19 cases.
Kung sa susunod na linggo aniya ay maganda pa rin ang ipinapakita ng mga indicators nangangahulugan talagang bumababa na ang mga kaso dito sa NCR.
Maging ang positivity rate at reproduction number ay unti-unti na ring bumabagal na nangangahulugang mas kaunti na ang nahahawaan ng virus.
Paliwanag pa nito, halos kapareho ng nangyaring trend sa South Africa ang nararanasan ngayon sa Pilipinas na makalipas ang 2 linggo ay bumaba na ang mga kaso ng COVID-19.
Pero mas mainam aniyang hintayin ang datos hanggang sa susunod na linggo at huwag magpakampante dahil sa nasabing pagganda ng mga datos.