Hindi pa masabi sa ngayon ng OCTA Research Team kung kailan magiging handa ang bansa para sa pag-aalis ng mga protocol para sa posibleng pandemic exit.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Dr. Butch Ong na hindi pa sila makapagsagawa ng projection hinggil dito.
Ito ay dahil sa ngayon ay nananatili pa ring mataas ang kaso ng COVID-19 sa mga kalapit nating bansa tulad sa Hong Kong at nandiyan pa rin ang banta ng COVID-19.
Paliwanag ni Dr. Ong, ang paggawa nila ng assessment at projections ay base sa kada 2 linggong datos.
Pero sa ngayon dahil mababa na ang mga datos, pagsapit ng Abril ay mananatili sa very low risk level pa rin ang buong Pilipinas at umaasang magtutuloy-tuloy pa ito sa tulong na rin ng proteksyong ibinibigay ng bakuna.