May pag-aalinlangan pa ang OCTA Research group na katigan ang mungkahing tanggalin na ang public health emergency sa bansa.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Dr. Guido David na bagama’t nasa low risk classification na ang Pilipinas, hindi pa rin masasabi kung ano ang magiging epekto ng mga bagong variants na nakapasok na rin sa bansa.
Ani David, kailangang mahigpit na i-monitor ang idudulot na epekto ng mga bagong variants, tulad ng BA.2.12.1, BA.4 at BA.5.
Giit pa nito, hindi pa tinatanggal ng World Health Organization (WHO) ang national health emergency status ng bansa, kaya mas makabubuti aniyang maging maingat muna sa ngayon.
Matatandaang iminungkahi ni Dr. Rontgene Solante na tanggalin na ang public health emergency sa bansa sa dahilang maganda na ang sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.