Hinimok ng mga eksperto ng OCTA Research Team sa pamahalaan na ilaan ang limitadong supply ng COVID-19 vaccine sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19, partikular sa Metro Manila at CALABARZON.
Ayon kay OCTA Research Fellow Professor Ranjit Rye, magsusumite sila sa susunod na linggo ng kanilang vaccine model.
Mahalagang gawin ang risk-based approach, kung saan ang mga healthcare workers, senior citizens at mayroong comorbidities ang maunang mabakunahan.
Dapat nakatuon ang pagbabakuna sa high risk areas.
Sa pamamagitan nito, makakamit ang pagbaba ng mga kaso at maaaring buksan muli ang ekonomiya.
Bagamat bumababa ang COVID-19 reproduction number, patuloy pa ring nangyayari ang surge.
Ang naitatalang bagong kaso ng COVID-19 ay nananatiling mataas.
Kaya umaasa ang OCTA Research na magkakaroon ng downtrend sa harap na rin ng pagpapatupad ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa NCR Plus bubble.