Nagbabala ang OCTA Research Group sa posibleng unti-unting pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.
Ito ay matapos mapansin ng grupo ang bahagyang pagtaas ng daily new cases sa bansa, lalo na sa Metro Manila.
Sa bagong monitoring report, tumaas ang reproduction number sa National Capital Region (NCR) mula 0.76 nitong November 10 hanggang 16 sa 0.83 mula November 17 hanggang 23.
Sa kabila nito, nananatiling mababa ang reproduction rate na mababa sa 1 o mayroong downward trend ng bagong kaso.
Mababa rin nag positivity rate na nasa 4%, mababa sa 5% na inirekomenda ng World Health Organization (WHO).
Nananatiling episentro ng COVID-19 outbreak sa bansa ang Metro Manila na may mataas na naitatalang bagong kaso kada araw.
Ang mga lungsod sa NCR na may pagtaas ng kaso ay sa Caloocan, Quezon City, Marikina, Makati, Mandaluyong, Parañaque, Pasay, Navotas, at San Juan.
Nakikitaan din ng mataas na COVID cases sa CALABARZON, Central Luzon, at Western Visayas.
Ayon sa OCTA, hindi pa malinaw kung ang pagtaas ng kaso sa bansa ay bunga ng pagpapaluwag ng mobility restrictions, epekto ng bagyo kabilang ang delay sa reporting o hindi pagsunod ng ilan sa minimum health standards dahil sa pandemic fatigue.
Gayumpaman, nilinaw ng research group na hindi dapat mag-panic ang publiko dahil nananatiling manageable ang pandemic situation sa bansa.