Posibleng pumalo na sa kalahating milyon ang kaso ng COVID-19 sa bansa pagdating ng katapusan ng taon.
Ito ang pagtataya ng University of the Philippines OCTA Research Group bunsod na rin ng inaasahang pagdami ng kaso ng COVID-19 ngayon holiday season.
Ayon kay OCTA Research team Dr. Guido David, batay sa kanilang trajectory, posibleng umabot sa 475,000 hanggang 500,000 ang COVID-19 cases nitong katapusan ng Disyembre.
Aniya, dahil sa kapaskuhan, hindi maiiwasan ang mga selebrasyon, pagtitipon-tipon o family gatherng na posibleng maging dahilan ng hawaan ng virus.
Dumami rin aniya ang mga taong lumalabas ngayon o nagpupunta sa mga mall para mamili.
Kasabay nito, nagpaalala si David sa publiko na mahigpit pa ring ipatupad ang mga health protocols lalo na’t malapit nang maka-recover ang Pilipinas.
Sa ngayon ay umabot na sa 449,400 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan 418,687 rito ang gumaling na habang 8,733 ang nasawi.