OCTA Research, nakakita ng mabilis na pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa maikling panahon!

Nagbabala ang independent research group na UP-OCTA sa pagtaas na naman ng kaso ng COVID-19 sa bansa, partikular sa Metro Manila kahit pa may mga ipinapatupad nang localized lockdown para mapababa ang kaso nito.

Ang babala ay kasunod ng inilabas na COVID-19 bulletin ng OCTA Research kahapon, Feb 25, 2021 kung saan makikita na patuloy ang pagtaas ng reproduction rate ng COVID-19.

Batay sa latest report, umakyat sa 719 ang daily cases ng COVID-19 sa Metro Manila noong Feb. 22, 2021 at bumaba sa 474 noong Feb. 24, 2021.


Pero sa kabila nito, binigyan-diin ng OCTA na patuloy na tumataas ang reproduction number mula sa 1.22 percent noong Feb. 21, 2021 ay umakyat na ito ngayon sa 1.32 percent.

Giit ng OCTA, indikasyon ito na isa o higit pa ang nahahawa ng virus kada araw lalo na’t sa konting panahon ay nakapagtala sila ng 5 percent na pagtaas sa positivity rate.

Batay din sa OCTA report, nananatili ang Cebu City sa may highest number ng new COVID-19 cases, kung saan aabot sa 220% ang daily average nito.

Habang ang Pasay City na nagpatupad ng localized lockdown sa 56 na barangay ay nakitaan ng 160% na pag-surge mula February 16, 2021 hanggang Feb. 22, 2021.

Ang mga lungsod ng Malabon, Manila, Makati, Taguig, Parañaque at Marikina ay nakitaan din ng 40% na pagtaas sa nakalipas na dalawang linggo.

Facebook Comments