OCTA Research, nakikitang marami pa rin ang mga Pilipinong gagamit ng face mask kahit boluntaryo na lamang ang pagsusuot nito

Posibleng nasa 60 hanggang 70% ng mga Pilipino ang magsusuot pa rin ng face mask kahit pa pinayagan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang optional o boluntaryo na lamang na pagsusuot ng face mask sa mga open area.

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Dr. Guido David ng OCTA Research Group na ganitong numero na ang naitala nila noong Marso ng taong ito pero batay sa nakikita nila ngayon karamihan ay nagsusuot pa rin ng face mask.

Kaya naman naniniwala si David na posibleng tama ang unang ipinakita ng ginawa nilang survey na aabot pa rin sa hanggang 70% ang mga magsusuot ng face mask, hindi lamang para sa proteksyon ng kanilang sarili kundi ng kapwa.


Aniya, malinaw pa rin naman sa karamihan ng mga Pilipino na responsibilidad nilang pangalagaan ang sarili nilang kalusugan kaya hindi na aniya kailangan pang sabihan ang mga ito kung dapat o hindi sila dapat magsuot ng face mask.

Naniniwala rin si David na hindi naman magiging malaki ang bilang ng mangyayaring pagtaas sa mga kaso ng COVID-19 basta masusunod lamang ang mga kondisyong nakasaad sa executive order na inilabas ni Pangulong Marcos sa boluntaryong pagsusuot ng face mask sa open areas.

Facebook Comments