
Naantala na rin ang pagkumpleto ng Off-Grid Solar Project ng National Electrification Administration (NEA) para sana sa 5,000 households sa iba’t-ibang lugar sa bansa.
Natigil ang proyekto dahil na rin sa COVID-19 pandemic na nakaapekto na sa maraming lugar.
Ayon sa NEA Total Electrification and Renewable Energy Development Department (TEREDD), tapos na ang competitive bidding process at awarding ng contracts sa mga nagwaging bidders at na-delay na lamang ang delivery ng solar panels mula China.
Sinabi ni Engr. Ernesto Silvano, Jr., acting manager ng NEA-TEREDD, pinondohan ng NEA ang ₱153-million ang implementasyon ng Photo Voltaic mainstreaming project sa ilalim ng Expanded Household Electrification Program.
Ang proyekto ay isang off-grid electrification scheme na layong makapagbigay ng elektrisidad sa mga malalayong kabahayaan sa kanayunan.
Ang mga benepisyaryo ay may kabahayan na nasa ilalim ng coverage areas ng limang electric cooperatives, na Busuanga Island Electric Cooperative, Inc., Camarines Sur 4 Electric Cooperative, Inc., Iloilo 3 Electric Cooperative, Inc., Cotabato Electric Cooperative, Inc., at Zamboanga del Norte Electric Cooperative, Inc.









