Nilinaw ng Office of Civil Defense (OCD) na as of June 21, 2022, naka-comply na ang ahensya sa lahat ng observation at recommendation ng Commission on Audit o COA Independent Auditor’s Report para sa taong 2021.
Ito ay kabaligtaran sa lumabas na ulat sa pahayagang Philippine Star nitong 19 June 2022, kung saan iniulat na hindi lubusang nagamit ang pondo ng ahensya, batay sa sa COA annual report for 2021.
Ayon kay OCD administrator, Undersecretary Ricardo Jalad, ang pag “Flag” ng COA sa kanilang ahensya dahil sa hindi natapos na mga Covid 19 facilities at sa paggamit ng quick response funds ay “outdated” na dahil ito ay as of December 31, 2021 pa.
Iniulat ni Jalad na mula noong June 21, 2022, sa mahigit 769 milyong pisong pondo para sa mga LGU isolation facilities, mahigit 605 milyong piso o 79 na porysento ang “fully utilized” o “fully obligated”, at mahigit 164 milyong piso o 21 porsyento ang naisauli sa National Treasury.
Kaugnay naman ng COVID quick response funds, pinaliwanag ni Jalad na ang paggamit nito ay tumataas kasabay ng pagtaas ng kaso ng COVID at bumaba din kapag bumaba ang bilang ng mga kaso.
Siniguro ni Jalad na lagi silang may koordinasyon sa COA sa buong panahon ng pandemya upang matiyak ang maayos na paggastos ng pondo ng bayan.