Ipinagbibigay alam ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa publiko na pansamantalang sarado bukas ang Office of Consular Affairs na matatagpuan sa Aseana Paranaque City gayundin ang Consular Office sa Metro Alabang Town Center.
Ito’y para magsagawa ng disinfection sa mga opisina ng nasabing tanggapan ng DFA bilang bahagi ng preventive measures upang mapigilan ang paglaganap ng COVID-19.
Ayon sa DFA, wala pang katiyakan kung kailan magbabalik ang operasyon ng Office of Consular Affairs at Consular Office ngunit kanila na lang daw itong iaanunsiyo sa publiko.
Ang mga aplikante naman na mayroon nang appointments at schedules ay maaaring ma-accommodate sakaling magbalik operasyon na ang mga naturang tanggapan.
Ang mga kukuha naman ng kanilang mga pasaporte bukas, July 6 hanggang sa mga susunod na araw ay pinapayuhang maghintay na lamang din ng anunsyo sa muling pagbubukas ng DFA Aseana at ng Consular Office sa Alabang.
Humihingi naman ng pang-unawa at kooperasyon ang DFA sa publiko habang patuloy silang gumagawa ng hakbang para labanan ang COVID-19.
Maaari namang tignan ng publiko ang magiging anunsiyo o abiso ng kagawaran sa kanilang website na consular.dfa.gov.ph o sa kanilang official Facebook page at Twitter na @DFAPHL.