Hinamon ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang Office of the Ombudsman na totohanin o tuluyang tanggihan ang ibinibigay na confidential funds ng pamahalaan.
Ito ay kahit pa unang inihayag ni Ombudsman Samuel Martires sa Kamara na handa siyang ipaalis sa Kongreso ang pondo para sa confidential funds lalo na kung mababahiran lamang nito ang reputasyon ng opisina at ng Ombudsman.
Ayon kay Pimentel, mayroon nang dalawang ahensya, ang DFA at DMW, na kahit gustong bigyan ng confidential funds ng ilang senador ay pilit na tinatanggihan ng mga ito.
Hirit ni Pimentel, posibleng ang Office of the Ombudsman na rin ang ikatlong tanggapan na magre-reject nang tuluyan sa confidential funds.
Paglilinaw ni Pimentel, batid niyang walang bahid at wala ring isyu ang opisina pero maaaring isa ang Ombudsman sa manguna na tanggalin ang kontrobersyal na pondo at ito ang magiging hudyat para hamunin ng senador ang ibang ahensya.
Sinabi naman ni Martires na tulad ng kanyang unang inihayag sa Kamara, hindi naman lahat ay kailangang gastusan ng pera at kung nais niya ng mga impormasyon ay marami siyang kaibigan at intel na pwedeng kausapin at ayain magkape para sa mga impormasyon.
Para sa 2024 ay nasa P51 million ang ibinigay na alokasyon ng DBM sa confidential fund ng Office of the Ombudsman.