Office of the Ombudsman, pumalag sa pagtapyas ng DBM sa kanilang 2021 budget; P300 million na ibinawas sa personnel services, ipinababalik

Umaalma ang Office of the Ombudsman sa ginawang pagbabawas ng Department of Budget and Management (DBM) sa kanilang 2021 budget partikular sa Personnel Services (PS).

Sa 2021 budget ng Ombudsman, 22.07% ang ibinaba sa pondo ng Ombudsman na nasa P3.268 billion na lamang kumpara sa original proposal na P4.6 billion.

Mas mababa pa ito sa P4.1 billion na pondo ng Ombudsman ngayong taon.


Giit ni Ombudsman Samuel Martires, hindi sila confident sa kanilang pondo sa susunod na taon at hindi nila nagustuhan ang ginawang pagtapyas ng DBM sa kanilang original proposed budget dahil hindi naman ito naipaliwanag sa kanila.

Taliwas din aniya ito sa itinatakda ng RA 6770 sa fiscal autonomy kung saan hindi dapat mas mababa ang ibibigay na pondo sa isang ahensya mula sa nakaraang fiscal year appropriations nito.

Paliwanag ni Martires, maaapektuhan ng pagbabawas ng pondo ang planong dagdagan ang kanilang field lawyers at investigators gayundin ang pagbuo ng isang tanggapan na hiwalay na hahawak sa mga administrative cases.

Hiniling ni Martires sa Kamara na i-restore kahit ang P300 million na tinapyas sa kanilang Personnel Services (PS).

Sinegundahan naman ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta na ibalik ang ibinawas na budget sa PS habang si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez naman ay itinutulak na ibalik ang kabuuang P1.2 billion na itinapyas sa pondo ng Ombudsman sa 2021.

Facebook Comments