
Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman na suspindehin ng anim na buwan sina Government Service Insurance System (GSIS) President and General Manager Jose Arnulfo “Wick” Veloso kasama ang anim na iba pang GSIS executives.
Nag-ugat ito sa pagbili ng ₱1.45 bilyon na mga preferred shares mula sa Alternergy Holdings Corp. (AHC) noong November 2023.
Sa pitong-pahinang desisyon na may petsang July 11 at inilabas sa media nitong Martes, iniutos ng anti-graft court ang suspensyon ni Veloso at ng mga sumusunod na opisyal ng GSIS:
• Executive Vice President Michael Praxedes
• Executive Vice President Jason Teng
• Vice President Aaron Samuel Chan
• Vice President Abigail Cruz-Francisco
• Officer II Jaime Leon Warren
• Acting Office IV Alfredo Pablo
Ayon sa Ombudsman, may “sapat na batayan” upang patawan ng preventive suspension si Veloso at ang anim na iba pa.
Ang rekomendasyon ng Ombudsman ay ibinatay sa resulta ng imbestigasyon noong January 30, 2025.
Noong Nobyembre 7, 2023, ang GSIS ay nag-subscribe sa 100 milyong preferred shares ng Alternergy sa halagang ₱14.50 bawat share sa ilalim ng isang private placement.
Sinabi ng Ombudsman na ang perpetual preferred shares na binili ng ahensiya ng pamahalaan ay nakuha nang walang pahintulot ng GSIS board of trustees.
Nakitaan din ng mga investigators na nilabag ng mga akusado ang mga probisyon ng 2022 GSIS Investment Policy Guidelines dahil ang mga perpetual preferred shares ay hindi nakalista sa Philippine Stock Exchange sa mga petsa ng pagpapatupad ng kasunduan at sa pagbabayad ng subscription.
Ang investment ay hindi rin sumusunod sa minimum market capitalization at lumampas sa free float market capitalization cap.
Ang mga preferred shares ay binili nang walang kinakailangang endorsement mula sa Assets and Liabilities Committee at sa Risk Oversight Committee para sa pag-apruba ng Board of Trustees.









