
Nilinaw sa MARI ng Office of the Senate Sergeant-At-Arms na walang empleyado ni Senator Robinhood Padilla ang nahuli na nagma-marijuana sa isang comfort room sa Senado.
Sa isinumiteng incident report kay Senate Sergeant-At-Arms Retired Major General Mao Aplasca, tinukoy ang dalawang insidente tungkol sa hindi pangkaraniwang amoy na nanggagaling sa ladie’s comfort room na malapit sa extension office ng isang senador.
Ang unang insidente ay noong ikalawang linggo ng Hulyo kung saan nakatanggap ng tawag ang security personnel sa kanyang local trunk line ng kanyang post mula sa isang lalaking staff member na may malakas na naamoy sa naturang area at nang puntahan ito ng tauhan ay wala namang nakita o naabutan na naninigarilyo doon.
Ang ikalawang insidente naman ay noong August 12 kung saan isang lalaking staff ng isang senador ang nag-report sa security personnel na may unusual odor na tila marijuana ang nagmumula sa comfort room (c.r.) ng mga babae sa 5th floor at tinukoy na ito ay babaeng staff ni Senator Padilla.
Nang ipakausap ang babaeng staff ay itinanggi niyang naninigarilyo o nagma-marijuana siya sa C.R. at mayroon aniya siyang vape sa bag na posibleng iyon ang pinagmulan ng nasabing amoy.
Ang naturang incident report ay taliwas sa ulat na sinundan ng mga security personnel ng Senado ang amoy sa C.R. at doon nadatnan ang babaeng staff na nagma-marijuana.
Samantala, kinumpirma naman ni Atty. Rudolf Philip Jurado, Chief of Staff ni Padilla na natanggap nila ang incident report ngayon ding hapon at inatasan ang naturang babaeng staff na magsumite ng komento at paliwanag sa loob ng limang araw.









