Maaaring mag-imbestiga ang International Criminal Court (ICC) nang hindi nagpupunta sa Pilipinas.
Ito ang iginiit ni Solicitor General Menardo Guevarra, kasunod ng pahayag ni dating Presidential Spokesman Atty. Harry Roque na labas-masok na raw sa Pilipinas ang mga imbestigador ng ICC para kumalap ng mga impormasyon sa hinggil sa war on drugs sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Guevarra, mayroon namang local groups ang ICC na maaaring magbigay ng suporta at assistance kahit wala sa bansa ang kinatawan ng ICC.
Kung may nakapasok man aniya sa bansa ang mga tauhan ng ICC ay kinakailangang malaman ang mga impormasyon ng mga ito ng Bureau of Immigration.
Gayunpaman, nanatili pa rin ang posisyon ng gobyerno ng Pilipinas na wala itong legal na obligasyon para makipagtulungan sa mga ICC investigator.
Nauna na ring sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na wala pang pakikipag-ugnayan sa kanila ang ICC para sa imbestigasyon.