Manila, Philippines – Nag-alok ng tulong kay House Speaker Pantaleon Alvarez ang Office of the Solicitor General (OSG) sakaling matuloy ang planong impeachement laban kay Vice President Leni Robredo.
Ayon kay Solgen Jose Calida – suportado niya ang sentimiyento ni Alvarez kaugnay sa ginawa ni Robredo na pagpapadala ng video sa United Nations kung saan binatikos nito ang mga patayan sa bansa at umano’y “palit-ulo” scheme na konektado sa war on drugs ng gobyerno.
Naniniwala rin si Calida na ginagawa ito ni Robredo para mapatalsik si Pangulong Duterte.
Kaya naman handa aniya ang OSG na tumulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng legal services.
Una rito, sinabi ng lider ng Kamara na pwedeng maging basehan ng impeachment ang naging hakbang ni Robredo dahil maituturing itong “betrayal of public trust.”