OFW day tuwing December 18, isinulong sa Kamara

Pinapadeklara ni OFW party-list Rep. Marissa ‘Del Mar’ Magsino ang December 18 ng kada taon bilang Overseas Filipino Worker (OFW) day sa buong bansa at ito ay magiging isang special working holiday.

Nakapaloob ito sa House Bill 7908 na inihain ni Magsino bilang taos-pusong pasasalamat at pagbibigay pugay sa mga sakripisyo at kontribusyon ng mga OFW sa ating bayan at sa kanilang mga pamilya.

Sabi ni Magsino, ang naturang petsa ay umaayon sa resolusyon ng United Nations’ General Assembly noong 1990 na nagproklama sa December 18 bilang International Migrants Day.


Diin ni Magsino, nararapat lang na magkaroon ng OFW day bilang pagbibigay parangal sa kanila na siyang tunay na bida ng ating bayan.

Ipinaalala pa ni Magsino na noong kasagsagan ng pandemya ay ang remittances o ipinapadalang pera ng mga OFW ang naging sandigan ng ating ekonomiya.

Tinukoy ni Magsino na noong 2021 ay umabot sa $34.8 billion ang remittance ng nasa 1.8 milyong mga OFWs na nasa iba’t ibang panig ng mundo.

Facebook Comments