Umaasa si Senator Bong Go na sesertipikahang “urgent bill” ni Pangulong Rodrigo Duterte ang inihain niyang panukala para sa pagtatatag ng Department of Overseas Filipino Workers o DOFW.
Ayon kay Go, pabor din si Pangulong Duterte na magkaroon ng DOFW na magsisilbing takbuhan ng mga manggagawa sa ibang bansa at kanilang pamilya kapag may problema.
Magiging mandato din ng DOFW sng pagbabatay sa mga recruitment at placement agency sa bansa upang wala ng mabiktima ng ilegal recruiter.
Base sa panukala ni Go, ilalagay sa ilalim ng DOFW ang Philippine Overseas Employment Administration o POEA at Overseas Workers Welfare Administration o OWWA.
Ang DOFW na kasi ang tututok simula sa recruitment hanggang sa makabalik sa bansa ang isang OFW.
Paliwanag ni Senator Go, ngayon ay maraming ahensiya ng pamahalaan ang pinupuntahan ng isang OFW para ayusin ang kanyang papeles at kapag may kailangan.
Pagtiyak ni Go, mababago na ito kapag naitatag na ang DOFW dahil ito ay magiging “one stop shop” para sa mga manggagawa na nais magtrabaho sa ibang bansa.