Cauayan City, Isabela- Nilinaw ni City Mayor Bernard Dy ng Lungsod ng Cauayan na hindi nakauwi sa siyudad ang nagpositibong Overseas Filipino Worker (OFW) dahil agad itong isinailalim sa inilaang quarantine facility ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela.
Ayon kay Mayor Dy, ito ay sa kabila ng ipinag-utos ng Provincial Government na isailalim sa mandatory swab testing ang mga uuwing OFW kahit na may nauna ng swab test ang mga ito bago makauwi sa probinsya.
Ayon pa sa alkalde, mananatili sa isolation facility ang nasabing OFW hanggang sa magnegatibo ang kanyang resulta habang wala itong naipapamalas na kahit anong sintomas ng virus.
Sa kabila nito, nagdagdag na rin ng quarantine facilities ang lungsod na kinabibilangan ng Hacienda de San Luis at F.L Dy Coliseum na siyang pansamantalang tutuluyan ng mga uuwi mula sa labas ng probinsya.
Tiniyak naman ng Lokal na Pamahalaan na magdodoble ang kanilang pagbabantay upang makatiyak na walang makakapasok na virus sa lungsod.