OFW na namatayan ng ipinanganak na sanggol sa eroplano, nasa mabuting kondisyon na —DMW

Nasa mabuting kondisyon na ang lagay ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) matapos itong magkaroon ng flight miscarriage habang bumabiyahe ito patungong South Korea ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Nakikipag-ugnayan na ang DMW, sa pamamagitan ng Migrant Workers Office nito sa Seoul at sa embahada ng Pilipinas sa South Korea at ibinibigay na ang lahat ng kinakailangang tulong at suporta sa OFW at pamilya nito na kasama sa flight mula Pilipinas patungong Incheon.

Kinumpirma rin ng DMW ang pagkamatay ng sanggol dahil sa inflight miscarriage.

Dinala ng 911 rescue team ang nasabing OFW sa INHA University Hospital sa Incheon, ngunit sa kasamaang palad ay idineklara na ang sanggol na dead on arrival.

Papunta ng bakasyon ang OFW kasama ang kanyang asawa, biyenan, at anak na babae mula sa Clark International Airport at huminto sa Incheon Airport para mga pasaherong may connecting flights.

Sinabi ng DMW na nagbigay ang ahensiya ng tulong sa OFW para sa mga bayarin sa ospital, at iba pang kinakailangang tulong medikal nito at para sa autopsy ng sanggol gaya ng iniatas ng Incheon police, gayundin ang agarang pagpapauwi sa labi ng sanggol.

Sinabi rin ng DMW na sa ngayon, ang Incheon police ay nagsasagawa ng karagdagang imbestigasyon sa eksaktong mga pangyayari sa pagkamatay ng sanggol.

Facebook Comments