Ilang araw makalipas dumating sa probinsiya ng Aklan, lumabas na positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang isang repatriated overseas Filipino worker na nanggaling muna sa Metro Manila.
Ayon sa Provincial Health Office, mula sa bansang Germany ang hindi pinangalanang OFW at dumaan sa mandatory quarantine ng gobyerno nang makatuntong ito sa Maynila.
Pinahintulutang makauwi ang 28-anyos na indibidwal sa Lezo, Aklan makaraang lumitaw na negatibo ang kaniyang COVID-19 RT-PCR Test.
Nang makarating sa naturang lalawigan ay sumailalim naman ito sa swab test at lumabas na positibo ito sa virus pagkaraan ng mahigit isang linggo.
Patuloy na nagsasagawa ng contract tracing ang mga kinauukulan sa mga nakahalubilo ng pasyente na nananatili ngayon sa isang pagamutan doon.
Sa huling tala ng Department of Health (DOH)-Region 6, limang repatriated OFW ang kumpirmadong dinapuan ng nakakahawang sakit.