Nagpasalamat ang Overseas Filipino Workers (OFW) na si Roseann Alejandro sa programang Serbisyong OFW ng DZXL 558 matapos itong matulungan na mapauwi sa bansa.
Sa interview ng RMN Manila, inilahad ni Alejandro ang naging karanasan nito sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA) matapos mapagbintangan na pumatay sa ama ng kaniyang amo.
Ayon kay Alejandro, ikinulong siya sa bahay ng kaniyang amo at pinagtrabaho kahit na hindi sumasahod habang gumugulong ang kaniyang kaso.
Mabuti na lang aniya ay nakilala niya ang OFW volunteer na si Hannah Francisco na siyang naging tulay nito para makahingi ng tulong sa programang Serbisyong OFW.
Desidido naman si Alejandro na magsampa ng kaso sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) laban sa kaniyang agency at maibalik ang kaniyang perang pinaghirapan.
Maliban kay Alejandro, nauna nang napauwi sa tulong din ng Serbisyong OFW sina Jolo Romero Rubia, Mar Julian Pizarro at Dan Dan Tenorio na natapos na ang kontrata sa Saudi.