Nagsampa ng kasong sexual harassment ang isang 25-anyos na overseas Filipino worker (OFW) laban sa 72-anyos na asawang lalaki ng kaniyang amo sa Hong Kong.
Dahil ito sa umano’y pamimilit ng matandang lalaki na ipamasahe ang kaniyang pribadong bahagi sa Pinay.
Ayon kay Maggie, hindi niya tunay na pangalan, dalawang beses nangyari ang mahalay na utos ng lalaki; unang beses noong dalawang araw pa lang ang nakalipas mula nang makarating siya sa bahay ng amo.
Inulit umano ito ng akusado apat na araw lang ang nakalipas, dahilan para tuluyan nang umalis ang Pinay at humingi ng tulong.
Naghain si Maggie ng reklamo sa Labour Relations Division, Hulyo 15, matapos na walang nangyari sa pag-uusap nila employer at pamilya nito, Hulyo 7.
Ayon kay Antonio Villafuerte, officer-in-charge ng Philippine Overseas Labor Office, nanghihingi ng danyos sa nangyari ang kasambahay, ngunit isang buwang sahod lamang umano ang handang ibigay ng mga amo, dahilan para iakyat sa Labour Tribunal ang kaso.
Sa ulat ng The SUN, dalawang araw makalipas mula dumating sa Hong Kong si Maggie noong Hunyo 22 nang mangyari ang unang beses.
Tumanggi umano ang Piany at sinabing hindi ito parte ng kaniyang trabaho ngunit mapilit ang matanda at dahil sa takot ay wala raw nagawa ang kasambahay.
Agad tumawag sa kaniyang employment agency si Maggie, na pinayuhan siyang huwag munang umalis at kuhanan ng video sa susunod na ipagawa pa ito ng matanda.
Hunyo 27 nang ulitin ng matanda ang utos na masahiin ang kaniyang ari na nakuhanan naman ng Pinay ng video.