OFW sa Kuwait, tumalon sa bintana para matakasan ang abusadong amo

Courtesy Sthephanie Aqui

Muling nag-viral sa social media ang paghingi ng saklolo ng isang OFW sa Kuwait na umano’y minamaltrato ng kaniyang dayuhang amo.

Sa bidyong ibinihagi ni Sthephanie Aqui noong Hunyo 28, makikitang nasa ospital at umiiyak sa sakit ang Pinay domestic helper na kinilalang si Merlie Libumfacil mula sa Dipolog City.

Para tuluyan makatakas sa mapang-abusong amo, tumalon si Libumfacil sa bintana ng ikalawang palapag ng pinapasukang bahay dahilan upang mabalian siya ng dalawang paa.


Ayon pa sa biktima, madalas siyang bugbugin at ikulong sa kuwarto.

Kusang-loob na ipinost ng netizen ang sinapit ng OFW para makarating sa pamilya nito.

“Iniinda nya daw ngayun ang subrang sakit dahil isang besses lang daw nakainum ng pain reliever cmula kahapon… Wala kasing tumulong sa kanya sa hospital… Yan lang po ang alam kung detalye mula sa kaibigan KO sa messenger,” bahagi ng caption ni Aqui sa Facebook.

Umabot na sa mahigit 260,000 views at 16,000 shares ang post ng concerned citizen.

Wala pang reaksyon ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay sa sitwasyon ngayon ng OFW.

Facebook Comments