OFW sa San Mariano Isabela, Naaksidente!

San Mariano, Isabela – Naaksidente ang isang OFW sa Barangay Daragutan West, San Mariano, Isabela kahapon sa oras na alas dos y medya ng hapon matapos na mawalan ng preno at hindi nakontrol ang manibela ng tricycle na sinasakyan nito.

Sa impormasyong ibinahagi sa RMN Cauayan ni Police Community Relation Officer Superintendent Warlito Jagto, kinilala ang biktima na si Crizelda Guzman Camayang, apatnaput pitong taong gulang, may asawa, isang ofw at residente ng nasabing lugar, samantalang ang drayber ng tricycle ay si Jay Ar Vargas Talosig, dalawampung taong gulang, walang asawa at residente ng Zone 2, San Mariano, Isabela.

Sa imbestigasyon naman ng PNP San Mariano, nabatid na habang binabaybay ng tricycle ang lugar ay bigla itong nawalan ng preno at hindi na nakontrol ang manibela hanggang sa sumadsad ito sa sapa ng Daragutan West.
Nagtamo ng matinding sugat sa ibat ibang bahagi ng katawan ang biktima na kaagad namang dinala sa San Mariano Community Hospital at inilipat din sa Isabela Doctors General Hospital, City of Ilagan para sa karampatang lunas.


Samantala ang drayber at tricycle ay nasa kostudiya ng PNP San Mariano para sa kaukulang disposisyon.

Facebook Comments