Agad nasawi ang isang Pinay care giver sa Toronto matapos masagasaan at makaladkad ng trak ng semento sa Yonge Street at Erskine Avenue, nitong Setyembre 10.
Kinilala ang biktima na si Evangeline Lauroza, 54, na ayon sa ulat ay tumatawaid sa Erskine Avenue nang mabangga ng lumikong trak at makaladkad nang ilang metro bago tuluyang huminto.
Nanatili naman sa lugar ng insidente ang 54-anyos lalaking drayber ng trak ng semento, ngunit dinala rin sa ospital para suriin.
Si Lauroza ay OFW sa ilalim ng Live In Caregiver Program sa Canada at 10 taon na sa Toronto.
Kilala ang Pinay sa lugar bilang mabuting tao at aktibo sa simbahan, ayon sa mga nakapanayam ng GlobalNews.ca.
Naglunsad naman ng GoFundMe para makalikom ng pera upang maiuwi sa Pilipinas ang mga labi ni Lauroza.
Samantala, tatlong miyembro ng mga lokal ng pamahalaan sa lugar ang nanawagan na pag-igihin ang kaligtasan sa trapiko kasunod ng insidente.