OFW sa UAE, hindi coronavirus ang ikinamatay; Sec. Bello, nag-sorry sa Dubai gov’t

FILE PHOTO FROM PCOO

Humingi ng tawad si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III sa gobyerno ng Dubai kaugnay sa inanunsyong namatay ang isang overseas Filipino worker (OFW) doon sanhi ng coronavirus.

Ayon sa kagawaran, lumabas sa pagsusuri ng Dubai Health Authority na negatibo sa kinatatakutang virus ang domestic helper na si Amalia Collado Daproza.

“Secretary Bello nonetheless wishes to apologize to the government of Dubai for the confusion and whatever anxiety that the announcement may have caused,” saad ng DOLE.


Nitong Huwebes, sinabi ng kalihim sa mga mamamahayag na nakatanggap sila ng impormasyon na nasawi ang 28-anyos na Pinay dulot umano ng coronavirus noong Pebrero 2.

Dagdag pa ni Bello, inaalam pa ng awtoridad kung anong uri ng strain ng naturang virus ang tumama sa OFW na tubong General Santos City.

Pero sa Facebook post ng Government of Dubai Media Office, kanilang nilinaw na pneumonia ang ikinamatay ng Pinay.

“The deceased was suffering from respiratory infection and laboratory tests showed she did not have the virus,” pahayag ng ahensiya.

Nakatakdang i-cremate ang labi ni Daproza bago iuwi pabalik ng bansa.

Facebook Comments