Pinapatulungan ni Senator Joel Villanueva sa Inter-Agency Task Force (IATF) kontra COVID-19 ang libo-libong Overseas Filipino Workers (OFWs) at mga pasaherong papunta ng Cebu mula abroad na apektado sa flight diversion na iniutos ng gobyerno.
Ayon kay Villanueva, kailangang tugunan ng gobyerno ang magiging abala bunsod ng diversion ng flight mula Mayo 29 hanggang Hunyo 5, 2021.
Paliwanag ni Villanueva, maraming OFWs ang walang dalang pera lalo na ang mga natanggal sa trabaho dahil sa pandemya kung saan said na said na sila dahil sa tagal nang pagka-stranded sa abroad.
Dagdag pa ni Villanueva, kahit isang linggo lang ang flight diversion ay magkakaroon ng domino effect sa lahat ng partido, lalo na sa mga OFW at pasahero, kasama ang mga airline at gobyerno na kailangang maghanda sa titirhan ng mga apektado nito.