Katulad ng mga medical health workers, posibleng payagan na rin ng pamahalaan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) kasama na ang seafarers na makapili ng kanilang bakuna.
Reaksyon ito ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque sa hinaing ng mga OFWs na baka hindi sila makabalik sa pinagtatrabahuhan nilang bansa tulad ng Kingdom of Saudi Arabia dahil kailangang Pfizer vaccine lamang ang naiturok sa kanilang bakuna at wala nang iba pa.
Ayon kay Roque, bukas ang pamahalaan dito lalo na kung ito talaga ay requirement para sa trabaho ng mga OFWs.
Sa ngayon ani Roque, tuloy ang pakikipag-usap ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga otoridad sa Saudi at iba pang bansa na may kahalintulad ng polisiya.
Giit ng kalihim, ang Pfizer vaccines na mayroon tayo ngayon ay donasyon ng COVAX Facility na laan lamang sa A1, A2 at indigent population.
Posible aniyang kapag dumating na ang binili nating Pfizer vaccines mula sa Estados Unidos ay maturukan na ang mga OFWs ng nasabing bakuna.