Hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 ang isang babaeng Overseas Filipino Worker (OFW) na patungo sana sa Jeddah upang magtrabaho bilang household service worker.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang Pinay ay nabiktima umano ng isang unscrupulous agency matapos itong magpakita ng mga dokumento na nagsasabing siya ay 24 years old.
Nagpakita rin aniya ng pasaporte at working visa ang biktima ngunit natuklasan ng mga personel ng BI na peke ang birth certificate nito.
Batay sa kasalukuyang patakaran, hindi pwede magtrabaho sa Middle East kapag ang edad ay mas mababa sa 24 taong gulang.
Samantala, ang biktima ay nakatakda namang isangguni sa Inter-Agency Council Against Trafficking para sa posibleng tulong at paghahabol sa kanyang mga recruiter.