Nagpapasaklolo na sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang 92 Overseas Filipino Workers (OFWs) na mahigit tatlong linggo nang naka-quarantine sa isang hotel (Halina Inn) sa Pasay City.
Hiniling ng OFWs sa OWWA na bilis-bilisan ang pagkilos para makalabas na sila sa hotel kung saan sila naka Quarantine at makauwi na sa kanilang pamilya.
Ang naturang OFWs ay dumating sa Pilipinas mula sa Hong Kong, South Korea at Dubai, UAE.
Ayon sa isang OFW na si Nick Garcia mula Hong Kong, finished contract na siya at pinangakuan sila ng OWWA na 14 days lang silang ilalagay sa isolation pero ngayon ay 23 days na silang naka-quarantine.
Ayon naman kina Jose Tabius, isang musician mula sa Dubai at Menard Bactol ng Nueva Ecija, karamihan sa kanila ay napilitan nang umuwi matapos magsara ang kanilang kumpanya sa Dubai dulot ng COVID-19.
Siyam naman sa kanilang mga kasamahan ang nakauwi na noong May 6, 2020 matapos na tulungan ng Local Government Unit (LGU) para makauwi na sa kanilang lalawigan.
Nagpaliwanag naman ang kinatawan ng OWWA na nagbabantay sa mga OFWs na hinihintay lamang daw nila na lumabas ang result ng swab test ng OFWS.