OFWs na sugatan sa Beirut explosion, 24 na; 1 nawawala

(Screenshot from AFP news agency Twitter video)

Umabot na sa 24 ang bilang ng overseas Filipino workers (OFWs) na napaulat na sugatan sa pagsabog sa yumanig sa Beirut, Lebanon nitong Martes.

Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Brigido Dulay, karamihan ng mga sugatang Pinoy ay household service workers, batay sa datos ng Philippine Embassy sa Beirut.

Isa umano sa 24 ang kritikal ang lagay, habang ang iba ay nagtamo ng minor wounds at stable na ang kondisyon.


Dagdag ng opisyal, bukod sa dalawang nasawi sa pagsabog, isa pang OFW ang patuloy namang pinaghahanap.

Nitong Miyerkules naman ng gabi nang tiyakin ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nahanap at nasa maayos na kondisyon na ang 11 seafarers na napaulat na nawawala.

Mababatid na higit 100 katao na ang nasawi at ‘di bababa ng 4,000 katao ang sugatan sa naganap na trahedya na dulot umano ng 2,750 tonelada ng ammonium nitrate na nakaimbak sa bodega ng port area sa Beirut.

Facebook Comments