Mas pinili ng mayorang mga Pilipino sa Hongkong na ikansela na muna ang kanilg bakasyon sa Pilipinas at manatili na lamang sa loob ng tahanan ng kanilang employers.
Ayon kay Marilyn Tesoro, titiisin na muna na nila na hindi makapiling ang kanilang pamilya sa Pilipinas para na rin sa proteksyon ng mga ito.
Ayon kay Janice Consuelo at ilang OFWs sa Hongkong, balewala rin kung uuwi sila ng Pilipinas dahil ang kanilang dalawang linggong bakasyon ay mauuwi lamang sa labing-apat na araw na pagsasailalim sa quarantine.
Umaasa naman ang ilang Pinoy workers sa Hongkong na huhupa agad ang banta ng novel corona virus sa susunod na buwan lalo nat marami sa kanila ang uuwi para dumalo sa graduation ceremony ng kanilang mga anak.
Ayon naman sa isa pang ofw na si Rose Mangawang, kapag nagpasya ang Pangulong Duterte na ipasundo ang mga Pinoy sa Hongkong, sasama aniya siya kaysa naman daw mahawaan siya ng virus doon.
Una nang nagpatupad ang pamahalaan ng Pilipinas ng pansamantalang ban sa mga dayuhang papasok sa Pilipinas mula China, Hongkong at Macau, maliban sa mga Pinoy.