Ogie Diaz, kinundena ang ‘mamatay na kayo’ pahayag ni Philip Salvador

File photo via Facebook/Bong Go

Hindi raw nagustuhan ni Ogie Diaz ang malupit na mensahe ng aktor na si Philip Salvador sa mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ilang oras bago ang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Duterte, Lunes, Hulyo 22, nang sabihin ni Salvador ang malulupit na salitang: “Sa inyo pong lahat na bumabatikos, mamatay kayong lahat! Salamat po.”

Sa Facebook post, sinabi ni Diaz na bagama’t mahal niya ang aktor, hindi niya nagustuhan ang naging pahayag nito.


“Dear Kuya Ipe, mahal kita, alam mo yan. Hindi ko lang gusto ‘yung mensahe mo para sa mga bumabatikos sa Pangulo.

“Mamatay ba agad? Hindi ba pwedeng ‘manahimik’ lang muna, kahit nga ‘mamatay kayo sa inggit,’ kaya nang tanggapin, eh,” saad ni Diaz sa post.

Ibinato naman pabalik ni Diaz ang sitwasyon sa tanong na paano kung mayroong kaanak ang aktor na bumabatikos sa pangulo.

“Pero yung mag-wish ka ng death sa mga kababayan mo, partikular sa mga ayaw sa Pangulo? Paano kung me mga kamag-anak kang detractors ng Pangulo? Gusto mo rin silang mamatay, gano’n?” aniya.

Maski raw si Diaz ay hindi masasabi ang ganoong bagay kahit pa mapalapit sa senador na si Bong Go.

Hiling ni Diaz sa aktor, “Kaya sana, hinay-hinay lang. Para hindi mag-reflect sa Pangulo.”

Kasunod ng pahayag na ito, umani ng batikos mula sa netizens ang aktor na nakilala sa ilang mapangahas at radikal na pelikula gaya ng “Bayan Ko: Kapit sa Patalim,” “Kumander Dante” at iba pa.

Facebook Comments