Ogie Diaz sa pagpapatayo pa ng dagdag na mall, condo: ‘Bongga kaso malungkot’

COURTESY: FACEBOOK/OGIE DIAZ

Naglabas ng saloobin si Ogie Diaz sa Facebook kaugnay ng balitang pagpapatayo ng dagdag na mall, condominium buildings o subdivision.

Ishinare ni Diaz ang article ng ABS-CBN tungkol sa plano ng SM na pagpapatayo ng lima hanggang pitong mall bawat taon sa susunod na limang taon.

Sa status, sinabi niyang ikinalulungkot niya ang balita, at binaggit niya rin ang umano’y kinahaharap ng mga mall tenant.


“Bongga ito kaso ang malungkot, nauubos na ang farmland natin. Kung hindi malls, condo buildings ang itinatayo. O subdivision. Kumokonti na ang sisipsip ng tubig baha pagdating ng panahon.

“Umaaray na din ang ibang tenants sa mga malls, sa sobrang strict. Mahal na nga ang upa, whichever is higher pa ang labanan.

“Kung mas mataas ang gross sales for a month, may percentage doon na kukunin ang mall bilang rental fee. Kung lugi for a month, yung fixed rate na upa ang babayaran ng tenant. Kahit saan mo daanin, panalo ang mall.

“Annually pa tumataas ang upa. Pag kumikita ang isang tindahan, kukurutan pa ng admin ng percentage yon bilang marketing support daw nila ek-ek nila sa mga bagong bubuksang mall branches.”

May nakapagsabi raw sa kaniya na mayroon ding bond na nagkakahalagang P500,000 na nasa treasury lang ng mall at hindi kumikita, at makukuha lang kung aalis na ang tenant.

Hinala niya, ginagamit ang “bond” sa ibang negosyo.

“Pero ganyan ang negosyo eh. Kaya siguro successful sila, kasi mahigpit sila sa patakaran nila. Kung wa mo feel, wag ka umupa sa kanila. Ayaw mo? Wag mo.

“Susugal ka na lang talaga at pikit-matang tatanggapin ang katotohanang ganun talaga eh. You choose na lang.”

Base sa mga naunang ulat, plano ng SM Prime Holdings Inc. ang makapagtayo ng apat na mall ngayong 2019, dagdag sa 72 nang shopping malls sa buong bansa.

Balak din ng kumpanya na maglunsad ng dagdag na 15,000 hanggang 20,000 residential units.

Facebook Comments