OIC ng Isang Home Depot, Natagpuang Patay!

Cauayan City, Isabela – Wala ng buhay at nasa state of decomposition na ang katawan ng isang lalaki ng ito ay matagpuan sa gusaling kanyang pinagta-trabahuhan kahapon, January 4, 2018.

Kinilala ang bangkay na si Joselito Sabreza, may asawa, tubong Calamba Laguna at nagtatrabaho bilang officer-in-charge sa RAI Strong Builders Supply and Home Depot dito sa lungsod ng Cauayan.

Ayon sa imbestigasyon ng PNP Cauayan, pasado alas 9 ng umaga ng kaperahang petsa, papasok na sana si Ginoong Michael Sabreza Isidro, 36 anyos, may asawa, residente ng Canciller Ave. Cauayan City at may-ari ng establisyimento, kasama ng iba pang mga empleyado ng matuklasan nilang nakasara pa ang gate at pintuan ng opisina.


Agad tinawagan ni Isidro si Sabreza at ng walang sumasagot, ay nagpasya na ito kasama ang kanyang mga manggagawa na sirain ang padlock ng pintuan upang makapasok.

Dito nila nadiskubre ang wala ng buhay na si Sabreza na hinihinalang mahigit 5 araw ng patay.

Naniniwala naman si Ginoong Isidro na tiyuhin din ng biktima na walang foul play sa nangyaring insidente at kumbinsido rin siya umano na namatay ang biktima sa pagkakadulas habang may bitbit na balde ng tubig sa ikalawang palapag ng gusali batay na rin sa ginawang pagsisiyasat ng mga pulis.

Unang naitawag ang pangyayari sa Rescue 922 na agad namang ipinagbigay alam sa kapulisan.

Facebook Comments