Para kay Senator Koko Pimentel, dapat desisyunan na agad ng Malacañang ang mga panawagan na suspindihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Pahayag ito ni Pimentel makaraang manawagan ang pangulo na repasuhin ang Oil Deregulation Law habang humihirit naman ang Department of Energy (DOE) na bigyan sila ng kapangyarihan na suspindihin ang excise tax sa petrolyo.
Paliwanag ng senador, mahabang proseso ang pagrepaso ng batas habang inaabot ng anim hanggang isang taon ang pag-amyenda o paggawa ng bagong batas.
Diin ni Pimentel, dapat umaksyon ng mabilis ang ehekutibo at ihandang isakripisyo ang buwis o kita sa harap ng pananatii ng bansa sa emergency situation dulot ng COVID-19 pandemic at epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Ayon pa sa kaniya, nagagawa naman ng gobyerno o ng ehekutibo na mag-shortcut sa maraming bagay kaya bakit hindi ito magagawa sa excise tax sa petrolyo kung ito ang daan para maibsan ang presyo nito.