Espekulasyon lamang at walang katotohanan ang ulat na umano’y may nangyayaring oil exploration sa West Philippine Sea (WPS) partikular sa bahagi ng Scarborough Shoal.
Ito ang reaksyon ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque sa ulat na lumabas hinggil sa umano’y may namataang equipment na mayroong Chinese character na ginagamit para makapag-drill ng langis sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ).
Ayon kay Roque, wala naman silang natatanggap na ulat na may isinasagawang oil exploration activity sa Scarborough Shoal at tiwala silang walang nagaganap na iligal na aktibidad dito.
Paliwanag pa ni Roque, hindi naman magagamit ang nasabing device kung hindi gagamitan ng barko.
Pero mag-iimbestiga pa rin aniya ang mga kinauukulan hinggil sa nabanggit na report.
Kasunod nito, wala naman aniyang rason para pagpaliwanagin ang China hinggil dito.