Sinisilip na ng mga kinauukulan ang mga ulat na may natagpuang oil exploration equipment na may Chinese markings sa Pangasinan.
Pinangangamban kasi ng ilan na patunay ito na nagsasagawa na ang China ng drilling activities sa loob ng 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, ang device ay ipinadala na sa Department of Science and Technology (DOST) para ito ay maimbestigahan.
“Hindi pa natin alam kung para saan iyon dahil nakuha ito ng mga mangingisda at dinala sa DOST para tignan kung para saan ang equipment na ‘yan,” sabi ni Lorenzana.
Pero ayon sa maritime experts mula sa People’s Development Institute (PDI), isang non-government organization (NGO), ang equipment ay isang ocean bottom seismometer o OBS.
Ang OBS ay isang measuring device na layong i-record ang acoustic at seismic events sa ilalim ng karagatan at ginagamit ito para sa oil exploration.
Dahil dito, sinabi ni Lorenzana na hihintayin nila ang resulta ng imbestigasyong isinasagawa ng DOST bago sila gumawa ng aksyon.