Oil price hike, posibleng magtuloy-tuloy pa hanggang Setyembre – DOE

Posibleng magtuloy-tuloy pa ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.

Ito ay hangga’t hindi napupunan ang kakulangan sa suplay ng krudo sa global market.

Ayon kay Rino Abad, direktor ng Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB), bago pa matapos ang 2021 ay meron nang kakulangan na 1.81 million barrel ng krudo kada araw sa merkado.


Bigo naman ang Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) na unti-unti itong maibalik sa una hanggang ikalawang quarter ng 2022.

Dahil dito, posibleng abutin pa hanggang Setyembre bago tuluyang maibalik sa normal ang suplay ng langis sa international market na nangangahulugan ng posibleng lalong pagaast ng presyo ng langis.

“Hanggang ngayon po, ang market po ay may kakulangan dun sa supply ng crude oil. Yung mga global inventory, in fact ngayon, compared to last year ang decline po ng mga storage record ng global supply ng oil ay umaabot ng 499 million barrel,” paliwanag ni Abad.

“Inaasahan pa rin po natin yung pag-ease out ng supply, habang binabalik ni OPEC, ang estimate na po ngayon hindi na po hanggang second quarter kundi hanggang around September kasi pahinay-hinay na po at may kakulangan yung kanyang actual na naibibigay.”

“Pangalawa po, inaasahan nap o yung non-OPEC talaga na suplay which is from US increases, Canada, Brazil, dun nap o, masasagad na po. Yan ang issue actually ng OPEC ngayon, ‘pag umabot ng September, napakababa na po nung kanilang spare capacity nila, yung kakayahan nilang mag-increase pa,” dagdag niya.

Pinangangambahan namang makaapekto lalo sa presyo ng mga produktong petrolyo ang nagpapatuloy na tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine.

“May mga geopolitical risks na po na lumalabas, nagkaproblema sa Libya, nagkaproblema sa Kazakhstan, at recently itong Ukraine-Russia conflict which is actually hindi pa siya actual supplay disruption pero nagpu-push siya ng speculations sa takot ng market na magkaroon ng giyera at kapag nagkaroon ng giyera, magkakaroon ng sanction at kasama nap o d’yan yung oil at gas na pinakamalaking export ng Russia,” dagdag niya.

Facebook Comments