OIL PRICE HIKE, RAMDAM NA SA PANGASINAN

Hinimok ng Department of Energy (DOE) ang mga kompanya ng langis na hati-hatiin o i-stagger ang pagpapatupad ng nakaambang oil price hike upang hindi agad maramdaman ng publiko ang buong bigat ng dagdag-presyo.

Batay sa pinakahuling datos, nasa higit ₱4.00 ang itinaas ng gasolina sa world market, mahigit ₱9.00 kada litro sa diesel, at lampas ₱10.00 naman sa kerosene mula nang magsimula ang kaguluhan sa Gitnang Silangan.

Sa lalawigan ng Pangasinan, inaasahang malaki ang magiging epekto nito sa mga tsuper ng jeepney at tricycle, delivery riders, at maging sa sektor ng pangingisda at agrikultura na umaasa sa diesel para sa kanilang operasyon.

Ayon sa ilang tsuper posibleng magbawas ng pasada o pansamantalang magtigil-biyahe ang ilan sakaling pumalo sa ₱60 o higit pa kada litro ang presyo ng diesel. Dagdag nila, tiyak na maaapektuhan ang arawang kita at pamasahe ng mga commuter kung tuluyang ipatutupad ang malaking dagdag-presyo.

Nanawagan naman ang DOE ng pagtitipid sa konsumo ng langis habang may banta ng patuloy na pagtaas ng presyo sa pandaigdigang merkado. Patuloy ring mino-monitor ng ahensya ang galaw ng presyo upang maibsan ang epekto nito sa publiko.

Samantala, hinihintay pa ng mga motorista sa Pangasinan ang pinal na anunsyo ng mga oil company kaugnay sa eksaktong halaga at petsa ng implementasyon ng dagdag-presyo.

Facebook Comments