Biniyang diin ng ilang jeepney drivers na walang epekto sa kanilang kabuhayan ang ipinatupad na rollback ngayong araw.
Para sa ilang jeepney drivers, ang ₱0.95 na rollback sa diesel ay hindi ramdam na makakadagdag sa kanilang kita dahil mas maraming beses namang nagkaroon ng umento sa presyo ng produktong petrolyo.
Sa panayam ng RMN Manila sa jeepney driver na si Reynaldo de Vera, sinabi nitong walang bago sa oil price adjustment na isinasagawa kada linggo at mistulang pinaglalaruan lamang silang mga tsuper.
Kaya naman, madalas ay gumagarahe na lamang sila sa rush hour dahil mas malaki pa ang kanilang nakokonsumong diesel kumpara sa kita nila sa isang ikot.
Sa katunayan, nakakatatlong ikot lamang siya maghapon dahil sa pag-iwas sa matinding trapiko sa kanyang ruta na isa sa mga dahilan kung bakit mababa ang kanilang kita kapag makikipagsapalaran ang mga ito tuwing traffic.