Oil price stabilization fund, pinabubuhay muli sa ilalim ng Marcos administration

Ipinababalik muli ni Deputy Speaker at 1-Pacman Partylist Rep. Mikee Romero ang Oil Price Stabilization Fund (OPSF) na unang nilikha noong administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Ayon kay Romero, ang pagbuhay muli sa OPSF o kaparehong “buffer fund” ay magagamit ng pamahalaan para maiwasan ang madalas na pagtaas o adjustments sa presyo ng mga produktong petrolyo dulot ng paiba-ibang presyo ng krudo sa world market at peso-dollar exchange rate.

Ito rin ang nakikitang solusyon ng kongresista dahil mailap ang pamahalaan sa pagtapyas at pagsususpindi ng excise taxes sa langis.


Sinabi ng economist lawmaker na ang presyo ng langis ay mananatiling pabago-bago at mataas dahil sa nagpapatuloy na girian ng Russia at Ukraine gayundin ang patuloy na pagbangon ng maraming bansa sa COVID-19 pandemic.

Kaya naman, higit aniyang mas kailangan ngayon ang “buffer fund” para maibsan ang epekto ng pagsirit sa presyo ng mga petroleum products.

Ang pondo para dito ay kukunin sa excise taxes na ipinapataw sa diesel, gasoline, LPG at iba pang produktong langis sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Facebook Comments