Patuloy na lumalawak ang sakop ng oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress sa Oriental Mindoro.
Sa pinakahuling oil spill trajectory model forecasts na inilabas ng UP Marine Science Institute ay inaasahang magtutuloy-tuloy ang pagkalat ng tagas sa Verde Island Passage sa linggong ito o hanggang March 26.
Ayon sa UP-MSI, patuloy na dumadaloy pa-kanluran ang alon mula Northern Mindoro patungong VIP.
Kilala ang Verde Island Passage bilang Sentro ng Marine Biodiversity kaya nanganganib dito ang iba’t ibang yamang dagat at ilang endangered species kabilang ang hawksbill turtle, whale sharks, manta rays, dugongs at taklobo.
Dagdag pa nito, bukod sa pagkasira ng biodiversity ay makaaapekto rin ito sa turismo at food security sa lugar.
Iminungkahi naman ng mga eksperto na samantalahin ang mahinang hangin at mas kalmadong dagat para kolektahin ang mga langis malapit sa source gamit ang booms at skimmers.