Isinulong ni Biñan City Representative Marlyn Alonte na maimbestigahan ng Kamara ang nangyaring oil spill sa Bataan mula sa sa dalawang fuel tankers na na MT Terra Nova at MTKR Jason Bradley na lumubog habang nananalasa ang Bagyong Carina.
Sa inihaing House Resolution 1818 ay nakasaad na ang pinamumunuan ni Alonte na House Committee on Ecology ang mangunguna sa imbestigasyon na layuning mapigilan ang polusyon sa kalikasan na dulot ng oil spill.
Target din ng pagdinig na mailatag ang mga hakbang kung paano mahahadlangan ang epekto ng oil spill sa kalusugan, kaligtasan at kabuhayan ng mga naninirahan sa mga komunidad na nasa baybayin ng apektadong bahagi ng karagatan.
Hangad din ni Alonte na mabusisi ang proseso, patakaran, checklist at mga konsiderasyon sa pagdedesiyon bago pahintulutan o pagbawalan ng Philippine Coast Guard ang isang fuel tanker na maglayag lalo na kapag masama ang lagay ng panahon.