Oil spill sa Mindoro, paiimbestigahan ng Senado

Paiimbestigahan ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda sa kaukulang komite ng Senado ang epekto ng oil spill mula sa lumubog na oil tanker na MT Princess Empress sa bahagi ng Naujan, Oriental Mindoro.

Maghahain ng resolusyon ang senadora para agad ipasiyasat sa Mataas na Kapulungan ang epekto ng oil spill sa kapaligiran, kalusugan at turismo sa mga lugar na naapektuhan lalo pa’t kumakalat na ito sa mga kalapit na lalawigan tulad sa Antique na bayan ng senadora.

Nababahala si Legarda sa malaking pinsala na iniwan ng trahedya sa karagatan lalo na sa pagkasira ng mga marine sanctuaries kasama na ang ekta-ektaryang bakawan, coral reefs at seagrass beds, gayundin ang turismo, kabuhayan at kalusugan ng mga residente.


Hihimukin ni Legarda ang pamahalaan na maglunsad ng ‘whole-of-government approach” sa pamamagitan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Health (DOH), Department of Tourism (DOT), Philippine Coast Guard (PCG), Maritime Industry, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, at iba pang kaukulang ahensya ng gobyerno para tugunan ang masamang epekto ng oil spill.

Hihilingin ng senadora ang agarang pagkilos ng mga ahensya para maagapan ang pagkalat ng oil spill nang sa gayon ay mabawasan ang pagkasira sa ating ecosystem at fishing grounds, mapigilan ang pagkalat ng langis sa mga kalapit na bayan na nakadepende rin ang kabuhayan at turismo sa karagatan at pinakamahalaga ang pagtiyak sa kaligtasan at kalusugan ng mga kababayan.

Iginiit din ni Legarda ang agad na pagrepaso at pagre-review sa Oil Pollution Compensation Act of 2007 na sumasaklaw sa pananagutan ng mga may-ari at insurers ng shipping company na responsable sa mga iniwang pagkasira mula sa mga kahalintulad na insidente.

Facebook Comments