Lumala pa ang sitwasyon sa bayan ng Pola sa Oriental Mindoro bunsod ng oil spill.
Labing-isang araw ito matapos na lumubog ang oil tanker na MT Princess Empress sa karagatang sakop ng probinsya.
Ayon kay Pola Mayor Jennifer Cruz, patuloy na kumakalat ang langis sa dagat lalo’t hindi pa naiaalis ang barko.
Bukas, inaasahang darating sa Oriental Mindoro ang ilang eksperto mula sa Japan para magbigay ng mungkahi kung paano maalis ang oil tanker.
Samantala, nagpadala umano ng 100 katao ang insurance company ng may-ari ng barko para tumulong sa paglilinis sa dalampasigan.
Nanawagan naman ang alkade sa Department of Environment and Natural Resources o DENR na bilisan ang pagsasagawa ng assessment sa naging pinsala ng oil spill.
“Until now, hinihintay natin ang plano nila,” saad ni Cruz sa interview ng DZXL.
“Meron po kaming almost 50-kilometers shoreline. Nasukat na po namin ito para sabihin sa kanila, ito yung damaged na lugar at affected areas. Pati yung 7 sanctuaries natin dapat ma-check na nila, magkano yung total damages talaga. Para naman kung sabihin ng insurance company… sabihin sa may-ari ng barko na ‘kailangan ito ang bayaran ninyo kasi ito ang pagkakasala ninyo,” dagdag niya.
Una nang isinailalim sa state of calamity ang buong probinsya ng Oriental Mindoro dahil sa epekto ng oil spill.