OKADA ESTAFA CASE | Acting Prosecutor General Jorge Catalan, pinag-iinhibit

Manila, Philippines – Pinag-iinhibit na rin ng Tiger Resorts Leisure and Entertainment Incorporated (TRLEI) si acting Prosecutor General Jorge Catalan sa paghawak ng reklamong estafa laban sa Japanese gaming tycoon na si Kazuo Okada.

Ito ay sa pamamagitan ng walong pahinang mosyon na isinumite ng Tiger Resorts kung saan hiniling nila na dumistansya sa reklamo si Catalan na kasalukuyang pinuno ng National Prosecution Service.

Giit ng Tiger Resorts, dapat na mag-inhibit si Catalan na umuupo rin bilang concurrent City Prosecutor ng Makati City para maiwasan na mabahiran ng pagdududa ang paghawak ng DOJ sa reklamo.


Nabatid na dati na kasing pinaburan ni Catalan bilang Makati City Prosecutor ang pagbasura sa tatlong ulit ng reklamong perjury laban kina Okada at Takahiro Usui na parehong mga respondent sa inihain nilang estafa cases sa Parañaque prosecutors’ office.

Nakabinbin na ngayon sa DOJ ang petition for review na inihain Tiger Resorts kaugnay ng ibinasurang perjury cases laban kina Okada na pinaburan ni Catalan.

Kaugnay nito, nananawagan ang Tiger Resorts kay Justice Secretary Menardo Guevarra na pakinggan ang kanilang apela at panindigan ang pahayag nito na ibalik ang tiwala at kumpyansa ng publiko sa DOJ sa pamamagitan ng pagtiyak na magiging patas ang kagawaran sa paghawak sa lahat ng mga kaso.

Una nang umani ng batikos si Catalan nang kanyang aprubahan ang pagbasura ng unang panel ng DOJ sa reklamong may kinalaman sa iligal na droga na inihain ng PNP-CIDG laban kina Peter Lim, Peter Co at Kerwin Espinosa na kalaunan ay naging dahilan kaya napalitan sa pwesto si Dating DOJ Secretary Vitaliano Aguirre II.

Facebook Comments